Sunday, April 8, 2012

GUSTO vs. KAYA (after 18 years, I will still say the same thing)

It was my first year of teaching, SY 1994-1995 and I was only 20 years old, when I was asked by Ms. Len Canilao, who was then the moderator of Hi-lites magazine, to write something for the seniors.  I didn't know why she asked me;  I was full-time teacher of juniors then.  Perhaps because I was then the youngest in the faculty and she thought I would give an alternative advice for the seniors.  I don't know.

Now, after 18 years, I chance upon this file again.  And I am not changing a bit in it as I post it now, because I would probably submit the same exact thing if asked to write with the same objective. 


Gusto Kong Sumaya! 

Kailan lamang ako naging High School student.   Ang saya ng High School. 

Tandang-tanda ko pa, 4th year ako noon, mabigat na tanong talaga sa akin ang pipiliing kurso at papasukang unibersidad.  Ang palagay ko, tulad ng karamihan sa amin, kapag nagkamali ako sa desisyon ko, masisira ang buong kinabukasan ko.  Siguro dahil sa takot kong akuin ang pagkakamali, kung sinu-sino ang tinanong ko.  Kung anu-ano rin ang nakuha kong sagot: doktor, abugado, businessmanphysical therapist, nars, computer programmer, seminarista at marami pang ni hindi ko na maalala ngayon.

Lahat sila, iisa lang ang katwiran: "Kaya mo naman, e."


Pero ang pinakatumawag-sa-aking-pansing sagot ay hindi talagang sagot sa tanong ko.  Kung iisipin, lalo nga lang yata akong pinahirapan.  Galing ito sa kaibigan kong pari:

"Kung gusto mo, kayanin mo. Hindi 'yung kaya mo, gugustuhin mo."

Maganda, hindi ba?  Pero nakakatakot.  Bigla, responsibilidad ko pala ang lahat.   Ayaw ko yata nang gano'n.  Para kasing sarili ko lang ang masisisi sa huli.

Pero kahit naman makinig ako sa iba, sarili ko pa rin ang malilitis kapag nagkataon.  Siguro nga nandiyan pa rin sila para pagaanin ang lahat.  Pero malungkot  pa rin ang lamay kahit may nakikiramay, hindi ba?  Ayaw kong lumungkot.  Gusto kong sumaya.  Alam kong sa huli, ako lang talaga ang mananagot.

May nagkuwento sa akin tungkol sa isang kinaiinggitang padre-de-pamilya.  Lima ang kotse.  Tapos sa magagarang paaralan ang lahat ng anak.  Kabi-kabila ang malalaking negosyo.  Pero bigla siyang nawala isang araw at walang may-alam kung saan siya hahanapin.  Lumipas ang mga tatlong buwan, nakita rin siya sa isang bar.  Pinapalakpakan ng mga nag-iinuman.  Nakaupo sa isang bangko sa isang maliit na entablado. May kabig na gitara.  At ginagantihan ng ngiti ang lahat ng taong sumisigaw ng "More!  More!".  Lampas-50 na nga pala siya.

Ayaw ko yatang umabot muna ng singkuwenta bago ko magawa ang gusto ko.  Masyadong matagal ang kailangang tiisin nang malungkot.  Inisip kong mabuti kung ano talaga ang gusto ko, kung ano talaga ang magpapasaya sa akin.   4th year high school pa lang ako noon.  Mali.  4th year high school  NA ako noon.  Kaya ko nang malaman kung ano ang gusto ko.

Sinusunod ko pa rin hanggang ngayon ang payo ng kaibigan kong pari.  Kahit college graduate na ako.  Kahit ngayong guro na ako.

May mga nagsasabing tanga ako.  Bakit daw ako nagtitser.  Marami pa raw akong mas nakakabilib na kayang gawin.  Sinayang ko raw ang lahat.

Okey lang.  Tanga na kung tanga.  Masaya naman.  Ang kinaiba ko lang sa ibang tanga, ginusto kong maging tanga.  Marami riyang umiiyak, kahit mukhang matagumpay.  Pero ako, nagdiriwang ako sa katangahan ko.  Para sa akin, kahit mahirap, ang sarap-sarap maging titser!

Siguro nga, marami pa akong kayang gawin.  Na hindi ko naman gusto.  At dadayain ko lang ang sarili ko kung pipilitin kong gustuhin.  Basta sigurado ako, pagdating ko ng 50, marami akong masasayang alaalang lilingunin.

Pinakamasaya raw ang buhay sa high school.  Totoo.  Pero maniwala kayo sa akin, puwedeng-puwedeng maging kasinsaya ang kahit pagkatapos no'n.


- RoBoCap, August 1994

No comments:

Post a Comment