Sunday, April 8, 2012

Huwag Mong Sayangin ang Buhay Mo!

Lagi kong sinasabi, "Kapag hindi ka naubos, kulang!" at "Dapat laging parang wala nang bukas!".

At noong bata-bata pa ako, tinatanong ako, "Ron, bakit ba para kang nagmamadali parati?"; sinasagot ko ng, "Kasi, pakiramdam ko, mamamatay na ako."

Hindi naman ako masyadong takot mamatay. Ang natatakot ako, mamatay dahil nasagasaan ako ng bisikleta, o nadulas ako dahil sa balat ng saging at nabagok ang ulo ko, o nagsesepilyo ako at natusok ko ang ngala-ngala ko't nabutas ito't umagos ang dugo ko hanggang masaid ako't mamatay.

Gusto ko, parang si Bro. Richie Fernando 'pag namatay, o si Evelio Javier, o si Jose Rizal, o si Mother Teresa.

'Yun bang ubus na ubos, laspag na laspag, parang "The Giving Tree" na hanggang sa huling himaymay, may naidulot na pakinabang sa iba.

Sa iba.

Kung tutuusin, wala naman talagang silbi sa sarili ng taong nagdurusa ang pagdurusa niya. Wala rin talagang tuwirang silbi sa sarili ng taong namamatay ang kamatayan niya. 'Yung iba, kinukonswelo na lang ang sarili nila sa pagsabing, "Itong pagdurusang ito, magdudulot sa akin ng ginhawa kalaunan." Hindi 'yun pagdurusa, kung gayon; pag-akyat lang 'yun. Ang tinutukoy kong pagdurusa ay 'yung basta pagdurusa lang tulad ng sakit ng ngipin o rayuma o panghihina ng katawan na kakambal na halos ng pagtanda.

Gayundin ang kamatayan: "Itong kamatayang ito, magdudulot sa akin ng ... ummm..." , wala akong maisip. Walang silbi sa sarili natin ang kamatayan, tulad ng pagdurusa.

Pero nariyan nang parang sumpa sa atin ang Kamatayan at Pagdurusa; hindi matatakasan o maiiwasan. Tanggapin na lang natin kahit walang silbi sa sarili natin.

O maaari namang magkasilbi, pero hindi sa sarili natin. Sa iba.

Sa huli, nagkakaroon lang ng silbi at katuturan ang Pagdurusa at Kamatayan kung sasadyain mong imaneho para umukol sa iba.

Praktikal, kung gayon, ang magdusa at mamatay para sa iba. Dahil dito lamang nagkakaroon ng halaga ang pagdurusa at kamatayan. Sa usaping Kamatayan at Pagdurusa, mas talo ka kung iisipin mo lang ang sarili mo. Nagsasayang ka; hindi ka praktikal.

Sana bago ka mamatay, naubos mo na ang buhay mo sa makatuturang bagay, sa mga bagay na hindi mo kasabay mamamatay.

Planuhin mo na ang buhay mo para magkaroon ng saysay ang lahat ng dusa mo't kamatayan, dahil totoong laging siguradong may dusa at kamatayan. Ang tanong: May silbi ba ang sa 'yo o wala?

Kung wala, naku! 'Yun na nga ang katatakutang pagdurusa. 'Yun ang katatakutang kamatayan.

Narito ang isang dasal na binuo ko matapos kong maisip ito:

Mahal kong Panginoon,
Natatakot akong mamatay bago ako mamatay sa aking buhay.
Natatakot akong maubos bago ako maubos sa aking buhay.
Natatakot akong masimot bago ako masimot sa aking buhay.

Ngunit kung mangyayari nga ang aking kinatatakutan.
Itulot Mong ang aking pagkasimot, pagkaubos at kamatayan
Ay magdulot ng silbing di-masisimot-mauubos-o-mamamatay…

na mamamagitan para sa Iyo.
na dadakila sa Iyo.
na (kahit bahagya lamang ay maging) tulad ng sa Iyo.

Siya nawa.

No comments:

Post a Comment