Here is a slightly philosophical musing of mine (naks!), made cheesy by the Awit poetry form. Hope you like, if not get, it. =))
Patawad, Sandali
Patawad, Sandali, ‘di ka naatupag.
Saglit kang dumaan nang kay ilap-ilap.
Gustung-gusto sanang ikaw ay masunggab;
Dadalawang kamay, parehong may hawak.
Patawad, Sandali, at ‘di ko natuklas,
Hatid mong biyaya at mabuting palad.
Ako ay nalibang sa mga Masarap,
Nabinbin ng Pasan at napigil ng Dapat.
‘Wag nawang isiping ‘di kita minithi.
Umalis kang agad, ako’y namighati.
Nang ‘di mapintasan, nagsuot ng ngiti.
Pagmamalaki ang, sa pait, nagkubli.
Ngunit nagluluksa sa iyong pagpanaw
Minumulto pa rin ng palaisipang
“Paano kaya kung ikaw’y nahawakan?
Ito kayang buhay, mas naging huwaran?”
Patawad, Sandali, ako’y nanindigan
Hindi ko man tiyak ang mahahantungan.
Huwag nawa akong hamakin-tawanan
‘Pag nauwi akong palpak, kalaunan.
Patawad, Sandali, at bilang pagpugay,
Pagsisikapan kong hindi ka magdamdam.
Pagyayamanin ko ang Di-binitawan
Nang mabutihin mong kita’y... pinawalan.
No comments:
Post a Comment