Ako: Sigurado ka bang ako ang gusto mong tanungin niyan?
Bata: Oo naman. Bakit ba, ser?
Ako: Kasi, baka may gusto ka nang kuning kurso. Baka bigyan lang kita ng problema 'pag sinagot kita.
Bata: Malay mo, ser, pareho pala tayo.
Ako: Malamang hindi. Ano ba ang gusto mong pag-aralan?
Bata: Alam mo, ser. Wala pa talaga.
Ako: Kumuha ka ng Philosophy, o ng Literature, o ng Fine Arts, o ng kahit na ano sa Humanities.
Bata: Ano ba ang magiging trabaho ng mga gano'n ang kurso?
Ako: Aba, kahit ano?
Bata: Titser?
Ako: Kung 'yun ba ang gusto mo, e.
Bata: Kayo ba, ser, ano ang kurso ninyo sa kolehiyo?
Ako: Philosophy.
Bata: Kaya pala kayo nagtitser.
Ako: Sandali lang. Nagtuturo ako dahil gusto kong magturo. Hindi dahil ito lang ang puwede kong maging trabaho. Isa pa, hindi sisiw ang magturo. Saan ka nakakita ng trabahong pinagsama-sama na ang kakayahan sa Pagharap sa Madla, Pagtatanghal, Pagdisenyo ng Plano, Pagpapatupad ng Plano, Pagtimbang sa Isinagawa, Pamumuno ng isang Grupo, Pagsasaalang-alang sa mga Pagkanatatangi ng Bawat Isa, Pagpapadali ng mga Mahihirap, Pagpapalalim ng mga Tila Mababaw, Pag-arte, Pagsulat, Pagbigkas, Pag-iisip nang Mabilisan, Pag-iisip Kasabay ng Isinasagawang Iba pa? Magaling lang ang nagtuturo. At kahit sinong manggaling sa Pagtuturo, pinag-aagawang makuha ng iba pang kumpanya.
Bata: Pero ano ba talaga ang dapat maging trabaho ng nag-philosophy? Philosopher?
Ako: Iyan ang hirap sa mga mag-aaral ngayon. Gusto nilang mag-aral ng pampataba ng bulsa, hindi pampataba ng isip. Hindi nila makita na nagagasta at nauubos ang laman ng bulsa; pero hindi kailanman nababawasan ang laman ng isip. Gusto nilang maging marunong-sa-kuwan, hindi ang maging Marunong. Gusto nilang maghanapbuhay, hindi ang mabuhay. Gusto nilang abutin ang tagumpay na iisang sandali lamang, at hindi ang matuwa sa mas mahabang karanasan ng paglalakbay. Nag-aral ako ng Philosophy dahil 'yun ang gusto kong pag-aralan, 'yun ang gusto kong basahin kapag wala akong magawa o kahit hindi ako mamarkahan. Tinatanong mo ako kung ano ang maaaring maging trabaho ng isang nag-philosophy? Hindi ko sigurado kung ano talaga. Pero sigurado akong lagi siyang masaya kahit wala siyang ginagawa.
Bata: Bakit siya masaya?
Ako: Dahil sa pagsikat ng araw, sa pagsinag ng buwan, dahil sa mga naglalarong bata sa liwasan, dahil sa mga taong tumatawid sa lansangan, sa mga binatang nagdudumi ng mga dingding, sa kahusayan ng pamahalaan, sa kapalpakan ng pamahalaan, sa pagkamoderno ng kasalukuyan, sa pagkamakaluma ng nakaraan, sa kahit anong uri ng tugtugin, sa katalinuhan ng mga matatanda, sa katalinuhan ng mga bata, sa katalinuhan ng mga hindi itinuturing na matalino. Kahit anong puwedeng tingnan o isipin, may kiliting dulot sa kanya. Kahit na anong bagay na manipis, kaya niyang pag-usapan nang makapal. Kahit na anong gulo, may mahahanap siyang kaayusan. Kahit na anong dilim, may mababanaagan siyang liwanag.
Bata: Anong kaibahan ng Humanities sa Math?
Ako: Mas tumutuon ang Humanities sa binibilang, hindi sa bilang.
Bata: Anong kaibahan sa Science?
Ako: Mas natutuwa ang Humanities sa kahiwagaan, hindi sa kalinawan.
Bata: Anong kaibahan nito sa Social Sciences?
Ako: Hindi sinisikap ilagay ng Humanities ang dagat sa tasa, lumalangoy siya rito, nagpapakalunod, nagpapapulikat.
Bata: ….
Ako: Bakit? Natameme ka?
Bata: Pasensiya na, ser. An'labo, e.
Ako: Precisely! Pasensiya ka na rin. Humanities kasi ako, e.
Bata: Hindi ka yayaman, ser.
Ako: May kayamanan ang kalabuan. May kayamanan sa kalabuan.
Bata: ????
from the short film, "Amen"
No comments:
Post a Comment